Sunday, April 4, 2010

Ako

Huwag mo akong piliting matutong mag-bike,
dahil ang gusto kong gawin ay magsayaw.
Huwag mo akong turuan ng computer programming,
mas gusto kong magsulat ng kuwentong pambata o ng tula.
Huwag mo akong piliting maglaro ng PSP
dahil mas gusto kong ubusin ang oras ko sa pakikinig sa iPod.
Huwag ka ng mag-aksaya ng oras na turuan akong mag-chess,
scrabble at Monopoly ang gusto ko.
Huwag mo akong sabihang magpahaba ng buhok,
halos buong buhay ko hindi iyan lumagpas ng balikat ko.
Huwag mo akong kuliting bumuo ng kung anu-anong puzzle,
scrapbook ang gusto kong buuin.
Huwag mo akong turuang tanawin ang isang relasyon bilang isang laro,
naniniwala akong hindi pinaglalaruan ang damdamin ng iba.
Huwag mo akong sabihang hindi ako marunong magpahalaga,
nagkataon lang na magkaiba tayo ng pinahahalagahan.
Huwag mo akong pigilang umiyak dahil tingin mo tanda iyon ng kahinaan,
hayaan mo akong umiyak para mabawasan ang anumang sakit na nadarama.
Huwag mong igiit ang mga paniniwala mo sa akin,
mayroon akong sarili.
Huwag mo akong gawing tulad mo,
magkaiba tayo.

Hindi ako magpapanggap na iba akong tao. Kung ano ako, iyon ang ipapakita ko sa'yo. Hindi ko ititikom ang aking bibig upang itago ang mga saloobin at nasasaisip. Hahayaan kong maibulalas ang anumang nais kong sabihin.


Ganito ako - magulo, makulit, pikon, malabo at sa pangingin ng marami mahina. Hindi ko ikakaila ang mga mali at pangit sa sarili ko.

Heto ako - mababaw ang luha, mababaw ang kaligayahan. Madaling madala ng emosyon. 

Heto talaga ako - maraming kailangang ayusin sa buhay,madaling panghinaan ng loob pero hindi sumusuko.

Ganito talaga ako - mahirap intindihin, hindi madaling unawain, nahahati ang sarili.

Ito ako at hindi ko pipiliting maging ibang tao dahil sa gusto ng iba. Ito ako at nasa sa iyo kung tatanggapin mo ng buong-buo.

Ito ako at kung hindi mo matatanggap, hindi ko ipipilit ang aking sarili.

Para Sa'yo

Hay... Ang pangit kasi ng mga bagay, mga tao at mga pangyayaring nag-uugnay sa atin, pero kahit naman siguro naging maayos ang mga iyon, wala pa ring kasiguruhan.

Wala naman akong inaasahan na mangyari sa pagitan nating dalawa. Basta masaya ako kapag nakakausap at nakakasama kita. Iyong mga ikinasasama ng loob ko, nalilimutan ko kapag ikaw ang kausap ko. Napapangiti mo ako kahit na pagod at nalulungkot ako.


Hindi mo ako pinipilit maging isang taong ayoko naman maging. Kunsabagay, wala ka naman talagang karapatan na gawin iyon. Sino ka nga ba kasi sa buhay ko?

Natutuwa ako kapag kausap kita. Halos sa lahat ng pagkakataon may maisasagot sa mga sinasabi ko, at sa mga pagkakataong wala naman, alam mo kung saan ako ituturo.

Marami akong gustong sabihin sa'yo. Marami rin akong gustong itanong. Kaya lang natatakot ako sa maaring maging sagot mo. Hahayaan ko na lang muna siguro na ganito. Balang-araw, magkakaroon rin ako ng lakas ng loob na itanong ang mga gusto kong itanong at sabihin ang iba pang bagay na gusto kong sabihin. Basta ngayon, nagpapasalamat ako na narito ka sa buhay ko.

Saturday, April 3, 2010

Sariling Pagtatanghal

Hindi ko kayang sumayaw sa kanilang tugtog. Ang aking katawan ay nagnanais ng sariling entabladong pagtatanghalan. Tapos na ang pagpupumilit na umindak sa saliw ng banyagang musika. Sapagkat hindi naman mahalaga ang papel na pilit ginagampanan sa nasabing palabas, hayaang magbukas ang tabing ng sarili kong palatuntunan.

May Apat Na Bahagi Ang Puso

Iisa lamang ang puso ng tao, ngunit may apat na bahagi ito. Kung ang bawat bahagi ng puso ay nangangahulugan ng pagkakataong magbigay ng pagmamahal, dalawang beses ka lamang maaring masaktan, ang isang bahagi ay para sa huli mong mamahalin at ang natitira ay para sa iyong sarili.

Dalawang beses na akong nabigo, ibig bang sabihin nito wala na akong karapatang masaktan?

Thursday, April 1, 2010

Paano Uusad

Mahirap umusad kung nakabaon ka sa iyong kinalalagyan. Lalong mahirap kung minamadali ka at tinutulak. Kung nakabaon ka sa iyong kinatatayuan at may tumutulak sa'yo, ano lang ba ang puwedeng mangyari sa'yo? Hindi ba ang matumba o madapa? At dahil sa pagkakahulog o pagkakadapa, madaragdagan lang ang sakit na iyong iniinda.