Sunday, April 4, 2010

Ako

Huwag mo akong piliting matutong mag-bike,
dahil ang gusto kong gawin ay magsayaw.
Huwag mo akong turuan ng computer programming,
mas gusto kong magsulat ng kuwentong pambata o ng tula.
Huwag mo akong piliting maglaro ng PSP
dahil mas gusto kong ubusin ang oras ko sa pakikinig sa iPod.
Huwag ka ng mag-aksaya ng oras na turuan akong mag-chess,
scrabble at Monopoly ang gusto ko.
Huwag mo akong sabihang magpahaba ng buhok,
halos buong buhay ko hindi iyan lumagpas ng balikat ko.
Huwag mo akong kuliting bumuo ng kung anu-anong puzzle,
scrapbook ang gusto kong buuin.
Huwag mo akong turuang tanawin ang isang relasyon bilang isang laro,
naniniwala akong hindi pinaglalaruan ang damdamin ng iba.
Huwag mo akong sabihang hindi ako marunong magpahalaga,
nagkataon lang na magkaiba tayo ng pinahahalagahan.
Huwag mo akong pigilang umiyak dahil tingin mo tanda iyon ng kahinaan,
hayaan mo akong umiyak para mabawasan ang anumang sakit na nadarama.
Huwag mong igiit ang mga paniniwala mo sa akin,
mayroon akong sarili.
Huwag mo akong gawing tulad mo,
magkaiba tayo.

Hindi ako magpapanggap na iba akong tao. Kung ano ako, iyon ang ipapakita ko sa'yo. Hindi ko ititikom ang aking bibig upang itago ang mga saloobin at nasasaisip. Hahayaan kong maibulalas ang anumang nais kong sabihin.


Ganito ako - magulo, makulit, pikon, malabo at sa pangingin ng marami mahina. Hindi ko ikakaila ang mga mali at pangit sa sarili ko.

Heto ako - mababaw ang luha, mababaw ang kaligayahan. Madaling madala ng emosyon. 

Heto talaga ako - maraming kailangang ayusin sa buhay,madaling panghinaan ng loob pero hindi sumusuko.

Ganito talaga ako - mahirap intindihin, hindi madaling unawain, nahahati ang sarili.

Ito ako at hindi ko pipiliting maging ibang tao dahil sa gusto ng iba. Ito ako at nasa sa iyo kung tatanggapin mo ng buong-buo.

Ito ako at kung hindi mo matatanggap, hindi ko ipipilit ang aking sarili.

No comments:

Post a Comment